Sunday, September 19, 2010

Torpedo.

Tinatayang tatlong oras bago ngayon..
Hindi ko alam kung ano na ang nangyayari, nagulat na lang ako ng sabihin ko sa kanya, "So pano, tuloy na ako..", pero mas nagulat yata ako sa sinabi niya na, "Wag muna, pasok ka muna sa loob". Pumayag ako. Sa mga pagkakataon na yon, paroot' parito pa rin ang ulirat ko sa realidad at sa kung saan mang dimension. Pero isang beses sa realidad, inabot niya sa akin ang isang “scrap-book” na naglalaman ng "luma" at "bagong" larawan niya. Classic! Sa kabilang banda, facebook, literal! Parang siya lang ang kakilala ko na gumagawa nun ah! Iba ung dating eh. Habang tinitignan ko iyon, napangiti ang utak ko, at madami akong nalaman tungkol sa kanya, bukod sa kinukwento na niya ang bawat isa, kundi dahil sa mga kinuwento ng mismong mga larawan na iyon. Oo nga pala, extra ako sa nakaraan niya, pero hindi sa kahit isa man lang sa mga larawan. Asa ka pa.

Tinatayang apat oras bago ngayon..
Nasa bus kame. Naisip kong masyado na akong nalilibang. Dahil doon, nagsimula akong mangamote, kasabay ang paghahanap ng magandang pagkakataon para ibato ang "punchline". Tameme. Para akong naglalakad sa kalbaryo na gawa ng utak ko. Sa gitna ng usapan, naisip kong natatakot na siya gawa ng nakaraan niya. Nagtanong ako, “So pano maalis ang ‘trauma’?”. Naintindihan niya ang ibig kong sabihin, sumagot siya, “Siguro kapag dumating na ung ‘the one’.”. Biglang lumindol ang mundo ko. Nagpa-panic na ako. Sa mga pagkakataon na yon hindi ko sigurado kung ang mga sumunod na usapan ay nangyari sa totoong mundo o sa isang dimension lang sa utak ko. Tanong uli ako, “Eh pano mo malalaman kung nandyan na ung ‘the one’?”. Sagot uli niya, “Malalaman mo naman un, alam mo ung, kapag nagkakasundo kayo sa mga bagay-bagay.”. Tameme uli. O hindi lang talaga ako nabuhay para sa mga ganitong eksena.

Tinatayang lima-at-kalahating oras bago ngayon..
Kasalukuyang nage-enjoy sa panonood namen ng mga islomong eksena ng mga lumilipad na bala, bato, bakal, dugo, at kung anu-ano pa, sa gitna ng labanan ng isang babae at mga zombies, 3D. Yeahhh! Nerd.

Tinatayang pitong oras bago ngayon..
Sana hindi na matapos to. Masaya akong nakatingin sa mga mata niya habang nagku-kwento siya. Kinigilig yata ako.

Tinatayang walong oras bago ngayon..
Kwentuhan. Biruan. Naglalakad kame nang walang direksyon. Lumalapang ng sundae. Window shopping. At eto pa ang malupet, nagugustuhan ko ang mga “anggulo” na nakikita ng mga mata ko (if you know what i mean. *wink*).

Tinatayang sampung oras bago ngayon..
“Tuloy na po kame ate, kuya”, sabi ko sa iba pang mga tao sa bahay nila. Ilang hakbang pa, nagkahiyaan pa kame kung sino ang mauuna sa gate. Pinauna niya ako. Naisip niya sigurong gusto na talaga ako lapain ng aso niyang si “leia”. Tumuloy kame sa pinaghintay kong taxi. Neutral ang kamote.

Tinatayang labing-isang oras bago ngayon..
Dito na rin naman ako napadaan, habang nakatingin sa isang bakeshop, naalala ko ang nabanggit niya noon na gusto niya “nun”. Bumili ako ng isa para sa kanya. Ngiti.

Tinatayang labing-dalawang oras bago ngayon..
Naghahanda para sa isang lakad. Oo gusto ko siya pero wala lang to’. Sa kabilang banda, dalawa lang kame; isang babae, isang lalake. Sino ang niloko ko?! Syempre may malisya to’!

Balik sa ngayon..
Hindi mapakali. Isa lang ang nabanggit..

“Sana”..


No comments: